| [ | Soul Food |
| | Stacie Orrico - I'm Not Missing You | ] |
Alas nuebe y medya na ng gabi.
Alas nuebe y medya pero heto ako't naglalakad sa kawalan. Saan ako galing? Naghatid. Sabihin na nating isang bagong kaibigang bukas ay limot ko na ang pangalan. Saan ako patungo? Doon. Doon sa peryang kakabukas pa lamang dahil sa pagdiriwang ng piyesta sa susunod na Linggo. Marami kasing tao. Maraming ilaw. May pula, asul, dilaw at iba pa. Lahat naroon. Kumbaga noong elementarya, ROYGBIV. Nilakad ko mula bayan hanggang sa perya. Hindi ko ininda kung gaano kalayo kahit na nakapambahay lamang ako at tsinelas, ayos lang. Naroong hawakan ko lahat ng telepono ko para umiwas sa mga isnatser at holdaper. Oo, lahat. Tatlo kasi sila. Isa sa bawat kumpanya ng telepono. Naroon ding mapuwing ako sa makapal na usok ng mga tambutsong kaylakas kung humarurot. Pati ang makatapak ng matitinik na bato sa bawat kalyeng aking likuan. Pero ayos lang. Binigay ko pa rin ang sarili ng buong buo.
Nakarating ako ng walang masamang nangyari sa akin. Salamat. Pero hindi pa dito natapos ang paglalakad. Mula kanto hanggang kanto inararo ko. Para lang maghanap ng hanger at piniratang DVD. Naisip ko kasi kulang na nga pala mga hanger ko sa damitan dahil sa biglang pagdami ng mga karsunsilyo ko at barong. DVD naman para sa kapatid kong kahapon pa nangungulit. Pero sa awa naman Niya, wala akong nakita. Puro mga pekeng damit na para sa iba'y pang-alis na pero para sa akin ay pambahay o basahan lamang. Mga pekeng sapatos at sandalyas na akala mo gawa sa Marikina o sa Tate ngunit gawa lang naman sa isang lugar na katunog nito, mali pa ang ispeling. Puro mga tigsasampung-pisong laruan, coloring book at iba pa na ilang gamitan lamang ay wasak na. Walang hanger at DVD. Siguro masyado pang maaga para doon. Ni hindi pa nga puno ang kalyeng ito ng mga tindahang magbibigay aliw at kasiyahan sa lahat. Bumalik ako. Ngayon, patungo naman sa perya. Akala mo yun na yun? Hindi pa. Kinailangan ko pang bumalik muli. Matinding lakaran na naman ito. Siyempre nilingon ko na naman kung may hanger o DVD. Wala talaga.
Saglit lang ako sa perya. Pumasok lang ako at nagmasid. Ang sasaya ng mga bata. Hagis rito, hagis roon ng mga baryang pinapalit pa sa kanto o sa tindahan ni Aling Glory. Pati yung mga nakasakay sa kalawanging karusel at katerpilar. Ako lang yata ang hindi. Binuksan ko ang isa kong telepono. Tinangka kong kunan ng litrato ang Ferris Wheel, pero nabigo ako. Ang pangit ng komposisyon. Sa ibang araw na lang, nasambit ko sa aking sarili. Bumalik ako at nagbalak ng umuwi.
Alas diyes na pala. Alas diyes pa lang pala. Akalain mo nga namang akala ko ang tagal ko na dito. Siguro masyado akong naaliw ng mga bagay na nasa paligid ko.
Uwi na ako. Siyempre, mag-traysikel na ako. Hindi naman ako ganung ka-martyr. |